Palimos ng Rason
December 23, 2006
Kadalasan, ang mga tao’y nagsasabi o gumagawa ng mga bagay na taliwas sa kanilang mga dinadala o naunang mala-anghel na mga pahayag para raw sa ikabubuti ng mamamayan. Sa ganitong proseso ay nababalewala ang kanilang dinadalang prinsipyo, hindi lang para sa sarili nila, kundi para na rin sa bayan. Ilan lamang sa mga taong tulad nito ay sina Gloria Macapagal-Arroyo at UP President Ermelinda Roman.
Ang urong-sulong na Charter Change ni GMA ay sakit sa ulo para sa mga Pilipino. Imbes na pinagsisilbihan sila ng mga iniluklok nila sa pwesto ay pinababayaan lamang sila ng mga ito para isulong ang kanilang pansariling interes. (Kumusta naman ang mga kababayan natin sa Albay?)
Granted, talagang kailangan ng Pilipinas ng pagbabago, ngunit kahit bali-baliktarin mo ang Konstitusyon, kung si GMA at ang mga cohorts pa rin niya ang nagpapakasasa sa trono, walang mangyayaring maganda sa Pilipinas. Tuloy pa rin ang kahirapan at korapsyon. Tuloy pa rin ang pagpaslang sa mga maka-kaliwa. Tuloy pa rin ang kabuktutan ng gobyerno. Pero ina-underestimate ng mga lecheng trapo ang masa. Hindi magpapaloko ang masa. Hindi tanga ang masa. Hindi bobo ang masa.
Kamakailan lang ay inaprubahan na ang pagtaas ng matrikula sa Unibersidad ng Pilipinas mula PhP300 papuntang PhP1000. Maraming naging "batayan" sa pagtaas na ito, ngunit kung susuriing mabuti ay talaga namang baluktot ang lohika sa likod ng ganitong proposal.
Sabi nga ni Roman, may mga taong "willing" naman na magbayad ng mas mataas na matrikula. Kung "willing" naman sila, bakit hindi na lang nila i-donate ang kanilang kaperahan? Bakit kailangang ang karamihan ng mga estudyante ang sumalo sa ganitong pasanin na responsibilidad naman talaga ng gobyerno?
Hindi sapat ang bagong pinta na Socialized Tuition and Financial Assistance Program upang tugunan ang pangangailangan at karapatan ng kabataan sa edukasyon. Maraming mga matatalinong bata sa lansangan na hindi nabibigyan ng pagkakataong patunayan ang sarili nila dahil na rin sa kakulangan ng pera. Limitado pa rin naman ang makakukuha ng full subsidy, na supposedly ay ang mga mayayaman (kung ang kinikita ng pamilya mo ay mahigit PhP1-M) ang magpo-provide dahil sa babayaran nilang matrikula na umaabot ng PhP1500.
Kung susuriin ay mali ang ganitong kaisipan. Ina-assume ng administrasyon na bawat taon ay may constant number ng mga estudyanteng mahirap at mayaman na papasok sa pamantasan. May mga kilala akong hindi na ipinagpatuloy pa ang pag-aaral sa UP dahil sa sobrang kahirapan ng buhay - na lalo nilang nararanasan day after day after day. Ultimo sarili nila ay hindi nila naaasikaso dahil sa kawalan ng pera. At dahil sa pagtaas ng matrikula na ito, ang tinatawag na premier state university na UP ay hindi na para sa mga matatalino, kundi para na sa mga mayayaman.
Ngunit patuloy na lalaban ang mga estudyante. Patuloy na ipaglalaban nila ang kanilang karapatan, at karapatan ng iba pang kabataan na hindi nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral. Hindi magpapaloko ang kabataan. Hindi tanga ang kabataan. Hindi bobo ang kabataan.
Matalik na magkaibigan talaga itong sina Arroyo at Roman. Sinisimulan na ata ni Roman ang gustong mangyari ni Arroyo sa pagsulong niya ng Cha-Cha: Tanggalin ang responsibilidad ng gobyerno sa edukasyon. Ang wasakin ang kinabukasan ng bawat Pilipino.
Ang edukasyon ay hindi dapat isang pribilehiyo katulad ng nararanasan natin ngayon. Ang edukasyon, ayon na rin sa Saligang Batas, ay isang karapatan ng mga mamamayan. Hindi ito basta-basta isang bagay na binabalewala lang, kundi isang bagay na kahit ikamatay pa ng iilan ay gagawin nila para lamang ito’y makamtan.
Entry Filed under: Uncategorized. .
Leave a comment
You must be logged in to post a comment.
Subscribe to the comments via RSS Feed